Lindol

Ngayong araw na ito, napagtanto ko na ang tunay na nakamamatay ay hindi ang lindol kundi ang mga “aftershocks” nito. Ang lindol kasi minsan may mga badya. Kahit hindi mo alam kung kalian eksaktong magaganap ito ay puede namang malaman ng mas maaga dahil sa panahon ngayon, lahat na halos ng bagay ay may kasagutan dahil sa agham.

Kamakailan lang noong nagkaroon ng matinding lindol sa bansang Hapon. Isang minuto bago ang lindol, tumunog ang alarma na narinig lahat ng taong masasakop ng lindol kaya naman maraming nailigtas na buhay dahil dito. Sanay ang mga Hapones sa lindol. Kahit batang-bata pa lang ang isang Hapones ay naturuan na ito ng mga dapat gawin kapag may lindol kaya naman kahit pagkalakas-lakas ng lindol na tumama sa kanila, alam nila kung saan pupunta ng walang pag-aalinlangan. Kaya naman sa mundong ito, kung may mga taong unang mabubuhay dahil sa lindol, malamang, una ang mga Hapones dito.

Subalit, kahit gaano kahanda ang mga Hapon, libo-libo ang namatay, nawawala at sugatan. Hindi lindol ang pumatay sa kanila kundi ang malalaking alon na hindi nila inaasahang magiging mahigit sa tatlumpung talampakan ang taas. Noong panahon rin na yun, may mga “aftershocks” na naganap rin. Malalakas rin ito at may mga taong nasawi rin dito. Akala kasi nila, tapos na ang pinakamatinding dagok kaya ligtas na sila. Kawawa ang bansang Hapon. Ang mga “aftershocks” na ito ay magpapatuloy pa hindi lang raw sa mga susunod na buwan pero malamang raw hanggang sa mga susunod na taon. Kung kailan ito hihinto ay wala pa ring makapagsabi hanggang ngayon.

Ganoon rin sa buhay. Akala mo minsan, pag naganap na ang mga pinakamasasakit na pangyayari, ay nakaligtas ka na. Pag may nakasakit sa iyo o may nawalang taong mahalaga sa puso mo, puedeng umiyak ka buong gabi at paggising mo sa umaga, masasabi mong handa ka na muli magpatuloy pa sa buhay. Kaya lang, may mga pagkakataon na bigla kang napapatigil at nahuhuli ng mga tanong na hindi nasagot, mga luha at galit na hindi pa nailalabas at mga salitang hindi pa nasasambit. Ngayong gabi, naalala na naman kita. Hindi pa pala kita nabubura sa aking alaala. Sabi ko naman sa iyo na mas matalino ako sa inaakala mo kaya nakita ko na ang mga signos na may mali na sa ating pagkakaibigan pero hanggang sa huli, umasa ako na maisasaayos natin ito hanggang naganap na ang lindol sa buhay ko nung napag-isipan mo na umalis na. Madali kong nasabi nung una na balewala ka lang at masaya na ako na tila winakasan mo ang ating ugnayan basta-basta. Ngunit ngayong gabi, nasabi ko sa sarili ko na gusto kita makita at gusto ko magtanong sa iyo kung bakit at nais kong makipag-ayos sa ngalan ng ating pagkakaibigan. Nais ko rin malaman kung bakit napakabilis mong iniwan ang lahat at kung ano bang nagawa ko sa iyo paraw gawin mo yun.

Pero naghihintay naman ako ng sagot na hindi naman darating, hindi ba?

Hindi ko alam kung hanggang kailan magkakaroon ka ng “aftershocks” sa buhay ko. Ang alam ko lang ay itinuring kitang mahalaga sa buhay ko kaya naman nagbago ang buhay ko mula sa lindol na iyon. Lahat ng bagay may katapusan kaya naman lalabanan ko itong mga “aftershocks” na ito hanggang sa isang araw magiging alaala na lang ang lahat. At tulad ng bansang Hapon, ginagawa ko uli ang lahat para mag-umpisa uli habang umaasa para sa mas mainam na bukas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s