A New Year Message from One of your Bosses, P-NOY

Sa Pinaka naming Presidenteng NOY,

Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon!

Kumusta na po? Iniisip ko kung bakit pa ako sumusulat ng liham sa iyo. Pero naisip ko na bilang isa sa mga “boss” mo, kailangan kita paalalahanan sa mga dapat mong gawin. Ginagamit ko rin ang freedom of speech ko ngayon na bilang anak ng babaeng nagbalik raw ng demokrasya sa Pilipinas, naiintindihan mo ang paggamit ko ngayon sa karapatang iyon. Siyempre, naiintindihan ko rin na mas malaki ang pagkakataon na hindi mo ito mababasa. Ngunit, puede naman sa gitna ng paglalaro mo ng PSP, naumay ka sa paglalaro at biglang maisipan mo mag-Internet. Wala akong PSP pero sigurado akong Wi-Fi ready yan.

Una sa lahat, inaabot ko ang aking pagbati. Ang tayog ng approval ratings mo sa surveys ay maikukumpara sa taas ng PBCom Tower sa Makati. Naipakita mo rin na hindi lang sa hindi mo lang hawak ang ehekutibo. Hawak mo rin sa leeg ang karamihan ng mambabatas sa nakakababang kapulungan. Sa isang pitik, na-impeach nila si Punong Mahistradong Corona. Ang galing lang kasi, hindi na nila kinailangan basahin man lang ang articles of impeachment, na kung tuluyang ma-iimpeach ay malamang sa malamang, hawak mo na pati ang hudikatura. Kung tunay silang patas at nakikinig muna sa mga daing ng mga tao sa kanilang mga sinasakupang distrito, hindi ba dapat ay binasa at pinag-aralan muna nila ang mga dokumento bago bumoto agad? Pero grabe, ang bilis talaga. Sana ganoon kabilis umaksyon ang gobyerno niyo lagi. Kaso kulang sa consistency. Pagdating noong Sendong, nasaan kayo? Sige na, alam kong puma-party ka noong kasagsagan noon pero bakit ilang araw ka pa pumunta para lang magpaabot ng tulong? Hindi rin ito ang unang beses na tila biglang nawawala ka sa eksena samantalang kailangan na kailangan ka. Sa hostage-taking nga mga Tsinong turista sa Luneta, nawawala ka na rin. Salamat sa iyo at mga tauhan mo ay namura tayong lahat ng mga Tsino noong gabing iyon. Isang tao lang, hindi pa kaya talunin ng mga tauhan mo? Ang nakatatawa pa, sinisi mo na naman si ex-PGMA. Ano nga bang bago, kung tutuuisin? Kakandidato ka pa lang ay sinisisi mo na sa kanya ang lahat.

Nabanggit na nga rin si ex-PGMA, pupunta na ako sa susunod kong punto, binabati rin kita sa agaran mong pagpapakulong kay ex-PGMA. Masyadong naging mahaba ang pananatili niya sa puesto bilang pangulo. Marami ring kontrobersya sa panunungkulan niya. Sa loob ng siyam na taon, napakaraming nangyari rin na tila nagpapagod at nagpagalit sa mga tao sa rehimeng Arroyo. Nagamit mo ito para mailuklok ka sa puesto, aminin mo yun. Wala ka naman masyadong maipagmamalaki sa résumé mo. Kaya kung wala ka ng maipagmamalaki, umpisa na para manira ng iba. Noong nagdaang eleksyon, maliban kay Senadora Jamby ay ikaw ang pinakamasigasig sa negative campaigning. Ngayon, suerte mo talaga sapagkat hindi na siya makaaalis, lagi na lang siya nandiyan para masisi mo. Pero anak ng tokwa naman, labingwalong buwan ka na diyan sa puesto mo. Sa labingwalong buwan dapat nakagawa ka na ng mga economic policies at mga reformang sa iyo talaga nagmula. Hanggang ngayon ba ay tila nangangapa ka pa rin sa pagiging pangulo mo? Sana naman ay hindi totoo ang bali-balitang iyon. Kailangan naming ikaw upang maging tunay na pinuno namin. Ang barko ay lulubog kung walang kapitan. Ang eroplano ay babagsak kung walang piloto. Ang sasakyan ay babangga o mahuhulog sa bangin kung walang drayber kahit na sa pinakatuwid na daan pa siya tumatahak. Simple lang naman ang ibig ko ipahiwatig: Kung hindi ka aastang pinuno, ikababagsak yun ng Pilipinas. Sana alam naiintindihan mo kung anong bigat ang responsibilidad mo.

Inuulit ko, kailangan ka namin. Hindi ko alam kung naiintindihan mo ang bigat ng posisyon mo subalit kailangan na kailangan ka namin. Kailangan naming ng isang pinuno na talagang tutulong na iangat ang bansang ito sa kahirapan. Hindi lamang sa kahirapan ng salapi o material na bagay pero pati kahirapan sa pagkakaisa, oportunidad at kapayapaan. Napakarami po nating suliranin. Kung talagang nagkasala si dating Pangulong Arroyo, magpapasalamat ako kung mapaparusahan siya. Subalit siguraduhin mo na mabibigyan siya ng patas na paglilitis. Pero huwag mo lalo rin ibaling lahat ng enerhiya mo para lamang sa kanya. Mas alalahanin mo kami sa kanya. Kailangan namin ng mga trabaho, mga tahanan at mga infrastraktura. Kailangan naming ng mataas na ekonomiya na laging mataas ang paglaki dahil ito ang pinakamabilis na paraan para maraming makaangat sa kabuhayan. Kailangan na mahilom na ang sugat ng hindi pagkakaunawaan ng Kristyano sa Muslim, mga hidwaan sa politika at maging ang relasyon natin sa bansang Tsina at iba pa dahil sa Kalaayaan Group of Islands. Kailangan ng mga kabataan ng edukasyon, oportunidad para mailabas lahat ng potensyal nila at kasiguraduhan na maiiwanan pa natin sila ng Pilipinas na may malinis na hangin, malawak na kagubatan at malinis na tubig.

Sa darating na 2012, sana maging mas masigasig at seryoso na tayo sa pagharap at pagresolba sa mga isyung ito. Tama na ang pagsentro lamang sa mga kapwa mo politiko. Sa totoo lang, marami na kaming umay na umay at sukang-suka kakakita ng iskandalo na naman sa politika. Kami naman. Alalahanin mo naman kami, ang mga nasasakupan mo. Ang mga taong tinatawag mong “boss” mo. Bigyan mo kami ng konkretong mga plano. Hindi mga pangmalawakan na mga pangako na baka hindi mo rin naman matutupad. Kung gugustuhin mo talaga, makakaahon ang bansang ito.

Umaasa na mas maunlad na Pilipinas sa pamumuno mo,
Maica Ayuyao

P.S.: Sa totoo lang, wala kaming paki-alam sa love life mo kaya naman ibinibigay namin sa iyo lahat ng privacy na gusto mo diyan. Pero sana’y nawa’y makahanap ka ng babaeng tatanggap sa iyo ng buong puso bilang ikaw at hindi dahil sa titulo mo. Nawa’y di rin siya mahilig mag-twitter kasi madulas lang siya ng onti kung nasaan ka habang may kaguluhan, patay ka sa mga tao lalo na sa mga kritiko mo. Sadyang seloso ang mga mamamayan sa atensyon mo dahil sa totoo lang, sila ang rason kung bakit nandiyan ka sa puesto mo.

The Power is in the People: No, P-NOY, we never forget what you promised us when you said, "Kayo ang boss ko, kaya't hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo!" So please now go work for us as a real president who has a real vision for our country.

xxx                                                         xxx                                                         xxx

Thank you, Ate Layla Medina, for a blog entry on her thoughts on about this blog. It makes my heart very happy. Go read her blog, too. It’s about those little slices of life on being a law student and other interesting things. Her entries are short but meaningful. We may have different writing styles but the important thing is we write with our hearts. Thank you again, Ate Layla! 🙂

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s