Category Archives: Tagalog

Nang Biglang Natapos ang 2014

The Politician
The Politician Smile. Naalala ko na tawa ako ng tawa nung una kong nakita ang larawan kong ito. Nung bata ako, pinangarap ko maging politiko. Presidente pa nga ng bansa eh! Pero nung nakita ko ito…naisip ko, parang hindi naman bagay. Haha! Pero hindi pa ako nagsasalita ng tapos. Abangan ang mga susunod na kabanata.

Dahil 2015 na…marami na namang ‘magpaparamdam’ for 2016 Elections. Kaya eto…for the sake of wala lang, nilalatag ko na ang picture ko na malamang nasa 2016 na kalendaryo niyo.

Seriously, no. Wala po akong balak takbuhan na posisyon kahit sa pagiging Tanod. At utang na loob, WAG niyo iboboto sa 2016 ang mga nagpaparamdam na mga taong ganito. Hindi nila mahal talaga ang bayan. Papasok lang sila sa politika dahil at gagawin itong negosyo. Inilagay ko lang ang larawan ito dahil napansin ko lang na never ko pala inilagay ang grad pic ko dito sa Facebook. So sa mga taong naghahanap ng grad pic ko, here you go…

Ang bilis lang. Patapos na ang 2014. Sa totoo lang, wala ako masyadong alala sa taon na ito. Wala eh. Boring talaga. More than half siguro ng taon, nagtatago ako dahil sa Bar. Maliban sa pagtatapos ko ng kurso ko, pagkuha ko ng Bar at pagkakaroon ko ng isang tunay na trabaho, wala na akong maituturing na “highlight” ng taon ko. Boring, ‘no? Kaya naman puro tanong lang ang naiwan sa akin.

Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa taon na ito lalong-lalo na sa pamilya ko na binigyan ako ng walang hanggan na suporta; mga kaibigan ko sa pag-intindi na wala akong gaanong magawa sa kanila ngayong taon; sa Pamantasan ng Silangan sa pagtuturo ng lahat ng kinakailangan ko para sa bar; at sa mga katrabaho ko sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan sa pagtulong niyo sa akin.

Isa na lang talaga ang hinihiling ko ngayon: hindi na sana muli mangyari ang 2014 sa buhay ko. Ayoko na danasin ang lahat ng sakripisyong iyon. Ayoko na ng pakiramdam na pinuputol ko ang sarili ko sa mundo para lamang sa pag-aaral. Gusto ko na ng pagbabago. Gusto ko na makatulong sa bansa para sa ikabubuti ng sistemang panghustisya. Gusto ko na rin na tumulong ng malaki para sa aking pamilya.

Kaya naman sa lahat ng Bagong Taon, ngayon ako pinakanasasabik. Sana nga lahat ng pagbabago na hinihingi ko ay matupad sa 2015. Hindi na rin ako bumabata. Sa darating na taon ay dalawampu’t pitong taong gulang na ako. Kaya naman parang awa niyo na…isama niyo lagi sa dasal niyo na maipasa ko ang Bar Exams.

Bago ako matapos ay sana, wag lang pansariling bagay ang ihiling natin ngayong taon tulad ng sana magkapera o pumayat. Hilingin natin ang mga bagay na magiging kapaki-pakinabang tayo sa kapwa natin tulad ng sana mas masigasig ako sa pagtatrabaho, mas habaan ko ang pasensya ko sa pamilya ko o sana mas galingan ko sa pag-aaral ko o sana mas maging mabuting Pilipino ako. Ito rin ang taon para laliman natin ang pananampalataya natin sa Maykapal. May nabasa ako na iniisip ng tao na magiging masaya lang siya kung siya ay magiging matagumpay. Pero ayon sa isa pag-aaral sa larangan ng sikolohiya, baligtad raw dapat. Magiging matagumpay lamang ang isang tao kung maligaya siya sa ginagawa niya. Kaya para sa lahat, ipinagdadasal ko ang kaligayahan niyo ngayong taon. Manigong Bagong Taon sa Lahat!

P.S. Hindi ko ito inilagay sa Facebook account ko pero may isa akong resolusyon: na makapagsulat ako ng marami pa sa susunod na taon. Patawarin niyo ako sa hindi pagsulat halos. Maliban sa abala ako ay hindi ko alam kung saan magsisimula pagkatapos ng Bar Exams. Hanggang sa susunod na taon!

Ang Pakikibaka Laban sa Pork

Patapos na ang ‘Million People March’ sa Luneta habang isinusulat ko ang artikulong ito. Naging matagumpay nga ba? Ayon sa Twitter, umabot lamang sa mga sisenta mil (60, 000) na katao ang sumali subalit may mga nagsabi na ito ay umabot sa tatlumpu’t limang daang libo (350, 000). Anuman ang numero malayo ito sa isang milyon na inaasahan ng mga tao. Maaring dahil makulimlim ang panahon. O baka pagod lang ang tao dahil sa isang linggong panglilinis ng kanilang kabahayan at komunidad matapos masalanta ng habagat at ng bagyong Maring. O siguro mas maraming naging interesante sa VMA o Video Music Awards ng MTV. Halata naman dahil minsan mas nagte-“trend” pa ito kumpara sa #MillionPeopleMarch.

Sa totoo lang, wala ako doon sa Luneta. Ang mga magulang ko ay hindi ako pinayagan. Totoo na bente-singko anyos na ako at may sarili ng pag-iisip subalit pinapaaral pa rin nila ako ng abogasya. Hanggang hindi ko pa natatapos ang tungkulin ko sa kanila na matapos ko ang kurso ko at kumuha ng bar exam at kumikita na ng sarili kong pera ay wala akong balak suwayin sila sapagkat ginusto koi to at pinagbigyan nila ako kahit hindi na nila responsibilidad na patapusin pa ako ng isa pang kurso. Ngunit, ginawa ko rin ang kakayahan ko para ilabas ang aking mga sentimyento sa Twitter. Oo, ilang oras ako nasa Twitter. Pero nakalulungkot, masyadong maraming tao ang tila nanlalamig sa isyu. Ayaw raw ng PDAF o Priority Development Assistance Fund o mas kilala sa tawag na Pork Barrel pero wala man lang ginagawa. Hindi ko alam kung naiintindihan nila ang PDAF. Hindi ko rin alam kung nanlalamig ba sa isyu dahil namanhid na sa politika. Ang masasabi ko lang ay hindi palusot ang kamangmangan lalo na ngayon na bukas ang informasyon para sa lahat dahil sa Internet. Isa pa, para sa taong nagbabayad ng buwis, hindi ka man lang ba kinikilabutan na binabawasan ka ng lima hanggang tatlumpu’t dalawang porsyento (5-32%) ng suweldo mo. Kahit ba estudyante ka at hindi pa sumesuweldo katulad ko, wala ka pa ring kawala sa buwis. Kahit anong bilhin mo, mapasa kaliit-liitang kendi hanggang sa mga rosas na alay mo sa crush mo, ay sumasailalim ng 12% na Value Added Tax o VAT.

Pero saan nga ba napupunta an gating mga buwis?

Una sa lahat ano ba ang PDAF o Pork Barrel? Bali isa itong alokasyon ng pera sa bawat kongresista at senador upang mapondohan ang mga proyekto sa kanilang distrito. Sa unang tingin, parang maganda naman ang layunin ng PDAF subalit ito ay discretionary o nasa kongresista o senador ang pagpapasya kung saan mapupunta ang pondo. Parang wala uling mali sa litrato no? Ano ngayon kung nasa kanila pagpapasya nila ito? Ang malaking problema ay hindi na ito inuulat pa o sinisyasat ng Commission on Audit o COA. Kaya naman kahit saan puwede nila ilaan ang pera. Yung ibang kongresista nga, gumawa ng sarili nilang “foundation” at doon inilalalaan ang pera. Malay ba natin kung may natutulungan nga ang foundation na yun o kung tunay bang umiiral ang foundation na iyon. Yung iba namang tao tulad ni Janet Lim-Napoles ay nakaisip ng paraan para makakuha ng pera mula dito. Gumagawa sila ng kung anu-anong organisasyon na kunwari ay mga samahan para makatulong sa mahihirap, pero wala naman palang ganoong organisasyon. Saan napupunta ang pera? Sabi ng mga nakakakilala sa pamilya Napoles, hindi naman talaga sila mayaman kundi biglang yaman nga lang. Kaya naman pepuwedeng napunta dito sa ika-21 kaarawan ng kanilang anak:

Isa pang problema sa PDAF ay kontrolado ito ng Pangulo. Malamang, hindi yun magbibigay sa kanyang kaalyado. Kaya naman tignan mo, nung nanalo si Pangulong Aquino sa pagkapangulo, agad-agad nanumpa ang mga kongresista at senador sa partido niyang Liberal. Kinalimutan ang lumang partido nila na Lakas-NUCD dahil hindi kaalyado ng dating Pangulong Arroyo ang nanalo. Siyempre, paano sila makakakuha ng parte nila sa PDAF kung hindi sila kakampi sa nakaupo? Ika nga sa Ingles, “Don’t bite the hand that feeds you.

Malinaw na malinaw na kailangan ng Pangulo at ng pinagsamang kongresista at senador ang isa’t isa. Kailangan ng Pangulo ang suporta ng ating mga mambabatas para masuportahan siya sa lahat ng batas na nais niyang mapatupad. Isa pa, protektado pa siya sa distabilisasyon. Paano nga ba siya matatanggal sa posisyon o mai-“impeach” kung hindi ito uubra sa kamara? Sa kabilang banda, ang PDAF ang bumubuhay sa ating mga mambabatas. Bakit sa tingin niyo ay nagpapatayan pa ang mga kandidato para makaupo sa puwesto? Dahil ba ito sa sobrang pagmamahal at sobrang dedikasyon sa pagsisilbi sa gobyerno? Ikwento mo yan sa lelong mong sumakabilang-buhay na.

Aminin na natin na walang kapararakan ang sistemang ganito. Ang resulta nito ay alinman sa dalawa: binubulsa ang pera ng mga mamamayan ng ating mga mambabatas o ng mangilan-ngilan na tao o mga walang kakwenta-kwentang proyekto tulad ng pagbabati ng “Kung Hei Fat Choi” o sandamakmak na waiting shed o paggiba ng kalsadang nasa mabuti namang kondisyon. Wag na tayong magtaka sa ganyang mga proyekto sapagkat mga mambabatas naman talaga sila na ang tunay na trabaho ay paggawa ng batas. Wala naman sila talagang kapangyarihan o alam para ipatupad at gamitin sa pondo ng bayan. Ang masakit pa, hinding-hindi na magkakaroon ng kalinawan sa gitna ng Pangulo at mga mambabatas. Hanggang may PDAF, patuloy na pagtatakpan nila ang baho ng isa’t isa. At dahil walang accountability and transparency sa ating kasalukuyang gobyerno, nasisigurado pa ba natin na tayo ay nabubuhay sa isang bansang demokratiko?

Subalit, tinitiyak ko na hindi dito nagtatapos ang laban sa PDAF or Pork Barrel. Naniniwala ako na nagbukas ito ng kamalayan upang magpatuloy ang laban sa isa sa puno’t dulo ng kabulukan ng ating sistema. Walang masama sa pagbabayad ng buwis. Bilang mamamayan ng Pilipinas, katungkulan pa nga natin magbayad ng buwis. Pero kailanman ay nakalakip dito na may karapatan na ang iilang tao para nakawan tayo. Marami pa tayong pangunahing pangangailangan tulad ng efektibong edukasyon, matitibay na tulay, makabago at sapat na armas para protektahan ang ating kapuluan na hindi man lang matugunan. Kaya naman wag tayo tumigil sa pag kalampag sa ating gobyerno. Karapatan nating makuha ang tunay na para sa atin. Wag tayong tumigil at patuloy na magalit sa kabulukan na ito. Ika nga kay Dylan Thomas, isang manunulat na Amerikano, sa kanyang kathang, Do Not Go Gentle into that Good Night,

Rage, rage against the dying of the light.

dd
Makibaka wag Magbaboy. Ito ang “tagline” ng karamihan ng mga anti-PDAF. Pero sa totoo lang, hindi naman marapat na ikumpara ang mga magnanakaw sa ating kaban sa kawawang baboy. Higit na mas mababa sila doon.

Oras na ba?

Marahil, isa sa mga pinakasanay ako na pakiramdam sa mundo ay ang pagiging mag-isa.

Madaldal ako, oo. Alam mo ring hindi ako mauubusan ng kuwento. Malakas rin ako tumawa. Kaya hindi masyadong halata na sa kabuuan ng araw, mas marami ang pagkakataon na mag-isa ako. Sanay kasi akong gawin lahat ang mga bagay-bagay na mag-isa. Nung nasa hayskul at kolehiyo ako, ‘ni minsan wala akong tinawag na kaibigan na samahan ako sa banyo, hindi tulad lahat ng mga ibang babae na ka-edad ko. Kaya ko rin kumain mag-isa lalo na ngayon na buong araw ko halos hindi kasama ang pamilya ko dahil sa almusa at paglisanl nila upang mag-aral at magtrabaho ay himbing pa ako sa pagtulog at pag-uwi ko naman ay tapos na sila mananghalian. Sanay rin ako gawin ang mga bagay-bagay na nais ko mag-isa. Bata pa lang ako, nakapaglalaro na ako mag-isa. Napakarami kong mga manika, sapat na sila ay nabibigyan ko ng buhay mag-isa. Mahilig rin ako magbasa ng tahimik. Hilig ko rin gumuhit at magbasa. Kaya ko rin magsayaw at kumanta mag-isa. Tsaka isa pang ayoko ay may kasama ako mag-aral. Malamang sa malamang, dadaldalin ko lang rin ang kasama ko at parehas walang mangyayari sa aming mga buhay.

Subalit ngayon, masasabi kong pagod na ako mag-isa.

Isa sa pinakanakabibigla kong dasal ngayong umaga ay humiling na ako sa Panginoon ng katipan. Hindi ko ito hiniling talaga ng diretso sa kanya dati. Dati ang dasal ko ay sana nasa mabuting lagay ang taong inilaan Niya para sa akin at maging handa kapwa kami sa isip, puso at kaluluwa sakaling kami ay pagtagpuin na. Hindi ko ito ipinagdarasal dahil sa totoo lang, wala akong ibang hiling kundi maging napakahusay na abugada baling araw at makatulong sa pamilya ko lalo na sa aking mga magulang. Naisip ko na rin na sakaling wala talagang nakatakda para sa akin ay tatanggapin ko ito ng bukas loob. Ngunit nagkakamali ako. Ayoko mag-isa. Dalawampu’t tatlong taon na akong mag-isa. Gusto ko magkaroon ng asawa at magkaroon ng mga anak. Nais ko maging ganap ang aking pagkababae at magampanan lahat ng ito.

Pero dahil ba sa dasal ko ba ay masasabi kong handa na ako? Nagugulat ako sa sarili ko, subalit gusto ko sabihing oo.

Lindol

Ngayong araw na ito, napagtanto ko na ang tunay na nakamamatay ay hindi ang lindol kundi ang mga “aftershocks” nito. Ang lindol kasi minsan may mga badya. Kahit hindi mo alam kung kalian eksaktong magaganap ito ay puede namang malaman ng mas maaga dahil sa panahon ngayon, lahat na halos ng bagay ay may kasagutan dahil sa agham.

Kamakailan lang noong nagkaroon ng matinding lindol sa bansang Hapon. Isang minuto bago ang lindol, tumunog ang alarma na narinig lahat ng taong masasakop ng lindol kaya naman maraming nailigtas na buhay dahil dito. Sanay ang mga Hapones sa lindol. Kahit batang-bata pa lang ang isang Hapones ay naturuan na ito ng mga dapat gawin kapag may lindol kaya naman kahit pagkalakas-lakas ng lindol na tumama sa kanila, alam nila kung saan pupunta ng walang pag-aalinlangan. Kaya naman sa mundong ito, kung may mga taong unang mabubuhay dahil sa lindol, malamang, una ang mga Hapones dito.

Subalit, kahit gaano kahanda ang mga Hapon, libo-libo ang namatay, nawawala at sugatan. Hindi lindol ang pumatay sa kanila kundi ang malalaking alon na hindi nila inaasahang magiging mahigit sa tatlumpung talampakan ang taas. Noong panahon rin na yun, may mga “aftershocks” na naganap rin. Malalakas rin ito at may mga taong nasawi rin dito. Akala kasi nila, tapos na ang pinakamatinding dagok kaya ligtas na sila. Kawawa ang bansang Hapon. Ang mga “aftershocks” na ito ay magpapatuloy pa hindi lang raw sa mga susunod na buwan pero malamang raw hanggang sa mga susunod na taon. Kung kailan ito hihinto ay wala pa ring makapagsabi hanggang ngayon.

Ganoon rin sa buhay. Akala mo minsan, pag naganap na ang mga pinakamasasakit na pangyayari, ay nakaligtas ka na. Pag may nakasakit sa iyo o may nawalang taong mahalaga sa puso mo, puedeng umiyak ka buong gabi at paggising mo sa umaga, masasabi mong handa ka na muli magpatuloy pa sa buhay. Kaya lang, may mga pagkakataon na bigla kang napapatigil at nahuhuli ng mga tanong na hindi nasagot, mga luha at galit na hindi pa nailalabas at mga salitang hindi pa nasasambit. Ngayong gabi, naalala na naman kita. Hindi pa pala kita nabubura sa aking alaala. Sabi ko naman sa iyo na mas matalino ako sa inaakala mo kaya nakita ko na ang mga signos na may mali na sa ating pagkakaibigan pero hanggang sa huli, umasa ako na maisasaayos natin ito hanggang naganap na ang lindol sa buhay ko nung napag-isipan mo na umalis na. Madali kong nasabi nung una na balewala ka lang at masaya na ako na tila winakasan mo ang ating ugnayan basta-basta. Ngunit ngayong gabi, nasabi ko sa sarili ko na gusto kita makita at gusto ko magtanong sa iyo kung bakit at nais kong makipag-ayos sa ngalan ng ating pagkakaibigan. Nais ko rin malaman kung bakit napakabilis mong iniwan ang lahat at kung ano bang nagawa ko sa iyo paraw gawin mo yun.

Pero naghihintay naman ako ng sagot na hindi naman darating, hindi ba?

Hindi ko alam kung hanggang kailan magkakaroon ka ng “aftershocks” sa buhay ko. Ang alam ko lang ay itinuring kitang mahalaga sa buhay ko kaya naman nagbago ang buhay ko mula sa lindol na iyon. Lahat ng bagay may katapusan kaya naman lalabanan ko itong mga “aftershocks” na ito hanggang sa isang araw magiging alaala na lang ang lahat. At tulad ng bansang Hapon, ginagawa ko uli ang lahat para mag-umpisa uli habang umaasa para sa mas mainam na bukas.